May dalawang klase raw ng tao sa mundong ito: ang nabibigo at ang nagtatagumpay. Ngunit naisip ko, mayroon din namang taong nangangarap pa rin, mabigo man siya nang paulit-ulit.
Dahil ang taong paulit-ulit na nabibigo ay mas natututo. Masigasig niyang pinagsusumikapan na maabot ang kaniyang mga pangarap habang patuloy na nagpapakatatag sa kabila ng mga hamon sa buhay. Dahil hindi na baleng mabigo na ipinaglalaban ang pangarap kaysa nabigo ka nang walang ginawa para abutin ito.
Binabati ko ang lahat ng mga nagsipagtapos at kanilang mga magulang na kasama nilang humakbang patungong tagumpay, mga gurong masigasig na humubog sa kinabukasan ng mga mag-aaral sa taong panuruang ito, at mga taong naniwala na magiging matagumpay ang mga kabataan ng henerasyong ito.
Maraming taon pa ang inyong bubunuin ngunit magtiwala lamang kayo sa inyong kakayahan. Mangarap ka at ipaglaban ang iyong mga pangarap. Dahil sa huli, hindi sinusukat ang tao sa kung sino ang nabigo at nagtagumpay, kundi kung sino ang hindi bumitaw sa kaniyang pangarap hanggang sa huli.
Ang aking malugod na pagbati sa inyong pagtatapos.
~𝐌𝐚𝐲𝐨𝐫 𝐀𝐥𝐢𝐜𝐢𝐚 𝐋. 𝐏𝐫𝐢𝐦𝐢𝐜𝐢𝐚𝐬-𝐄𝐧𝐫𝐢𝐪𝐮𝐞𝐳