𝐉𝐨𝐞𝐥 𝐃𝐚𝐯𝐢𝐝 𝐆𝐮𝐢𝐫𝐫𝐞𝐧 𝖔𝖋 𝐁𝐫𝐠𝐲. 𝐒𝐚𝐧 𝐈𝐬𝐢𝐝𝐫𝐨
𝐂𝐥𝐚𝐫𝐞𝐧𝐜𝐞 𝐌𝐚𝐧𝐚𝐫𝐩𝐚𝐚𝐜 𝖔𝖋 𝐈𝐥𝐨𝐜𝐨𝐬 𝐍𝐨𝐫𝐭𝐞
Ayaw akong dalawin ng antok. Habang nakadungaw sa bintana, parang sabay akong hinaharana ng awiting aking pinakikinggan at ng bilog at maliwanag na buwan.
“O, naraniag a bulan
Un-unnoyko indengam
Dayta naslag a silawmo
Dika kad ipaidam.”
Pero alam mo bang dati’y takot na takot akong tumingin sa buwan? Pagsapit na ng dilim, tumitindig ang aking balahibo. Mabilis akong magtatago sa aking kuwarto at magtatalukbong ng kumot. Dahil sa tuwing nagpapalit ng hugis ang buwan, nagbabago rin si Itay.
Tuwing hugis mangga ang buwan, masaya kami ni Itay. Magkahawak-kamay kaming namamasyal sa plaza. Kasama niya akong sumusundo kay Inay mula sa kaniyang trabaho. Maasikasong-maasikaso siya sa akin. Katunayan nga, pinagtitimpla niya ako ng gatas na aking iinumin bago ako matulog.
Tuwing hugis pamaypay naman ang buwan, isang nakabibinging katahimikan ang maririnig mo sa aming bahay. Naroon lang si Itay sa madilim na sulok ng kaniyang kuwarto. Hindi kumikibo. Malungkot at malalim ang mga mata ni Itay. Iniisip ko ngang nagtatampo siya sa akin dahil iniwan ko siya nang pumasok ako sa eskwelahan.
Ngunit tuwing hugis pinggan na ang buwan, sabay-sabay na aatungol ang mga aso. Mag-uumpisa na ring magsalitang mag-isa si Itay. Wari ba’y may kausap siya at tumatawa siyang mag-isa. Minsan nga’y bigla na lang siyang tumayo at sumayaw nang mag-isa. Hindi ko alam pero bigla akong natakot kay Itay.
Hindi ko na maintindihan si Itay. Pati mga kaklase ko’y pinagtatawanan ako dahil sa kaniya. May nagawa bang mali si Itay? Bakit kailangang parusahan siya nang ganito? Kasalanan itong lahat ng buwan. Kung hindi sana ito nagpapalit ng hugis, hindi rin sana magkakaganito si Itay.
“Namnama, alam mo bang may isang malaking dragong nananahan sa ilalim ng dagat?” minsang kuwento ni Inay.
“Talaga po, Inay?” tugon ko.
“Oo, anak. Ito ay ang Bakunawa. Noong unang panahon, may pitong buwan na nakapalibot sa mundo. Dahil sa labis na pagkabighani rito, kinain nito ang mga buwan hanggang sa isa na lamang ang natira,” dagdag pa ni Inay.
Kainin na lang sana ng Bakunawa ang nag-iisang buwan. Sapat na siguro ang mga bituin para paliwanagin ang mundong ito. O kaya nama’y takpan na lang ng mga ulap ang buwan. Baka sakaling bumalik sa dati si Itay. Baka sakaling maging masaya kami ulit.
Paulit-ulit kong tinatanong si Inay kung paano ko mahahanap ang Bakunawa, ngunit tinawanan lang niya ako.
“Anak, walang Bakunawa at walang kasalanan ang buwan kung bakit nagkaganoon ang iyong Itay,” sabi ni Inay.
“Matulog ka na at bukas na bukas din ay samahan mo akong ipatingin ang iyong Itay sa isang espesyalista,” dagdag pa niya.
Sumangguni si Inay sa isang psychiatrist. Kinausap niya si Itay na para bang binabasa nito ang kaniyang iniisip. Inobserbahan niya ang kilos, tono, at ekspresiyon ng mukha ni Itay upang matukoy ang kalagayan nito. Pagkatapos, kinausap din niya si Inay upang malaman ang kaniyang saloobin at ang pagnanais niyang tulungan si Itay.
Ayon sa doktor, may bipolar disorder si Itay. Sinusumpong siya ng matinding depresiyon at pagbabago-bago ng pakiramdam. Kaya minsan ay masaya siya at minsan nama’y malungkot, galit, at balisa.
“Dok, babalik pa po ba sa dati si Itay?” tanong ko sabay yakap kay Itay.
“Oo naman, iha. Kailangan lang sumailalim sa gamutan ng iyong Itay,” sagot ng doktor.
“Pero Dok, hindi po ba ito kasalanan ng buwan?” tanong ko.
“Anak, wala namang ginagawang masama ang buwan,” sagot niya.
“Pero bakit sa tuwing nagbabago ito ng hugis ay nagbabago rin si Itay?” katuwiran ko.
“Ikaw talaga, iha, kung ano-anong pinagsasabi mo. Habang umiikot ang buwan sa mundo, nagbabago ang hugis nito dahil nakikita lang natin ang bahaging naliliwanagan ng araw,” paliwanag ng doktor.
Simula noon ay naunawaan kong wala palang gamot para mawala ang buwan. Walang Bakunawa at lalong walang kasalanan ang buwan. Isa lamang itong pagsubok na ibinigay ng Diyos sa aming pamilya. Kaya pala Namnama ang ipinangalan sa akin ni Itay dahil tulad ng sabi niya, ako ang pag-asa niya.
Kanina pa ako nakadungaw sa bintana. Tulog na sina Inay at Itay. Ngayong gabi, tulad ng mga nagdaang gabi, ipinanalangin ko sa Diyos na tuloy-tuloy nang gumaling si Itay.
Habang abot-tanaw ko ang maliwanag paring buwan, umaawit din ang puso ko.
“O, naraniag a bulan
Sangsangitko indengam
Toy nasipnget a lubongko
Inka kad silawan
Tapno diak mayyaw-awan.”
#HappyFathersDay#FathersDaySpecial#Dungngo#mentalhealthmatters#mentalhealth#storytime#storytelling#KuwentoNgBayanKo#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride