Nais pong ipaalam ng lokal na pamahalaan ng San Nicolas na nagkaroon ng isang kumpirmadong kaso ng pertussis o whooping cough sa ating bayan nito lamang Marso 2024.
Siya ay dalawang taong gulang at fully vaccinated na batang babae mula sa Brgy. San Rafael East. Na-admit siya sa Baguio General Hospital and Medical Center noong Marso 7 na may principal diagnosis na pediatric community acquired pneumonia. Lumabas ang resulta na siya ay positibo sa pertussis noong Marso 22. Sa awa at tulong ng Panginoong Diyos, siya ay matagal nang fully recovered.
Para sa kaalaman ng lahat, nagtungo ang Department of Health Regional Office, Provincial Health Office, at Rural Health Unit ng San Nicolas noong Lunes, April 1, sa bahay ng bata upang masigurong ligtas at maayos ang kalagayan niya matapos dapuan ng nasabing sakit.
Ang pertussis ay isang acute respiratory infection na dala ng bacteria na Bordetella pertussis na naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing ng tao. Karaniwan itong banta sa mga sanggol at mga kabataan at posibleng ikamatay kapag hindi naagapan.
Dahil ang pertussis ay kumakalat sa pamamagitan ng respiratory droplets, mariing hinihikayat ang publiko na ugaliin ang good respiratory hygiene gaya na lang ng pagtatakip ng bibig kapag uubo o babahing, palagiang paghuhugas ng kamay, paggamit ng hand sanitizers, pagsusuot ng face masks lalo na sa mga mataong lugar, at pagsunod sa minimum public health standards upang makaiwas sa sakit.
Sama-sama po nating labanan ang sakit na ito sa pamamagitan ng pagdarasal sa ating Poong Maykapal, pagsunod sa awtoridad lalo na sa ating healthcare workers, at pagpapakalat ng tamang impormasyon. Minsan na po tayong hinamon ng isang pandemya ngunit naniniwala kaming natuto na po tayo mula rito.
Maraming salamat at mag-ingat po tayong lahat.
𝐃𝐑. 𝐀𝐋𝐈𝐂𝐈𝐀 𝐋. 𝐏𝐑𝐈𝐌𝐈𝐂𝐈𝐀𝐒-𝐄𝐍𝐑𝐈𝐐𝐔𝐄𝐙
𝐌𝐮𝐧𝐢𝐜𝐢𝐩𝐚𝐥 𝐌𝐚𝐲𝐨𝐫