Nangyari ito noong kami ay nangungupahan sa isang lumang bahay na may dalawang palapag sa Zone 4 Brgy. San Roque. Ang bahay ay may kahoy na dingding at kahoy na sahig din sa ikalawang palapag kung saan kami natutulog nina mama, mga pamangkin, at anak ko habang ang kapatid kong babae naman ay sa kuwarto sa ibaba.
Patulog na kami noon matapos ang mahabang kuwentuhan nang biglang narinig naming ang aking kapatid na umuungol. Tumakbo kami agad upang tingnan siya. Binabangungot na pala siya. Ginising namin siya at ikinuwento niyang habang natutulog siya’y nakita niya ang sariling nakahiga sa kama. Sa gilid ng higaan niya’y may kapreng palakad-lakad. Pilit siyang nagsusumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa kaniyang bibig.
Kinabukasan, kaagad siyang nagtungo sa albularyo at nagpatulong kung ano ang dapat gawin upang hindi na siya magambala ng nakatatakot na nilalang. Isinagawa niya ang mga orasyon na itinuro ng albularyo sa kaniya kung kaya’t panatag kami na makatutulog kaming matiwasay nang gabing iyon.
Sa sala na kami natulog upang mabantayan ang aking kapatid kung sakali mang bangungutin siyang muli. Sa kasamaang palad, ako mismo ang nanaginip nang kahindik-hindik. Sa ilalim ng hagdan, nakita ko ang kapreng nakatalikod at isinusuot ang jacket kong itim. Nang bigla itong lumingon sa aking direksyon, bigla akong nagtalukbong at nagdasal.
Pagkagising, takot pa rin ang aking naramdaman ngunit iniisip ko na lamang na panaginip lang ang lahat. Dali-dali akong bumangon at hinanap ang itim na jacket na iniwan ko sa ilalim ng hagdan. Hinalungkat ko ang lahat ng damitan namin maging ang mga labahin ngunit wala talaga. Magpahanggang ngayon, napapaisip pa rin ako—panaginip nga lang ba talaga ang lahat?
#TrueHorrorStory#ArawNgMgaPatay#KuwentoNgKababalaghan#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride