Sa likod ng bawat kislap ng mga ilaw, bawat hampas ng palakpak, at bawat salitang binibigkas sa entablado, ay naroon ang isang puso na naglalakbay, nangangarap, at nagmamahal. Sa maliliit na bayan ng San Nicolas, isinilang ang isang batang may bitbit na mga pangarap na tila hindi magagapi ng mga pagsubok ng buhay.
Siya si Vanessa Faye Dulay, isang pangalan na nagsimula sa simpleng pag-awit sa simbahan at paaralan at ngayo’y umaariba sa mundo ng teatro at musika. Sa likod ng bawat pagsisikap at tagumpay, dala niya ang pag-asa na isang araw, ang kaniyang mga yapak ay susundan ng libo-libo pang kabataang San Nicolanians na may parehong pangarap—ang magbigay-buhay sa bawat karakter, ipamalas ang kanilang sining, at maging ilaw sa madilim na entablado ng buhay. Ito ang kaniyang kuwento, kuwento ng pag-ibig, pangarap, at sining sa entablado.
Mula sa murang edad, nahasa na si Vanessa sa musika at pag-awit. Siya ay naging bahagi ng chorale ng kanilang simbahan at nagkaroon ng pagkakataon na maipamalas ang kaniyang talento sa iba’t ibang kompetisyon. Sa kaniyang pag-aaral sa Red Arrow High School, namayagpag ang kaniyang pangalan sa vocal solo competitions na naging simula ng kaniyang paglalakbay sa mundo ng sining.
Dalawang taon na nagtatrabaho si Vanessa bilang executive assistant ng isang kilalang event stylist. Sa kaniyang trabaho, nakasalamuha at nakatrabaho niya ang mga tanyag na personalidad sa pageantry, showbiz, at negosyo. Ngunit, hindi niya kinalilimutan ang kaniyang pagmamahal sa musika at pag-arte. Sa kaniyang bakanteng oras, siya ay gumagawa ng mga music content para sa TikTok at YouTube, na nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na ma-feature sa tatlong TV stations—PTV, Net25, at CIA with Tito Boy Abunda.
Noong nakaraang taon, pumasok si Vanessa sa mundo ng teatro. Sa loob ng isang taon, dalawang production companies na ang kaniyang nasamahan at nakapag-perform na rin sa CCP Tanghalang Ignacio BlackBox Theater. Ang kaniyang grupong Astrafellas ay naimbitahan na rin na irepresenta ang Pilipinas sa Bangkok, Thailand at Barcelona, Spain. Ito ay isang patunay na ang kaniyang talento at pagsisikap ay napapansin na sa loob at labas ng bansa.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay, aminado si Vanessa na hindi naging madali ang lahat. May mga pagkakataon na kinailangan niyang mag-decline ng ilang projects dahil sa dami ng kaniyang ginagawa. Ngunit, sa kabila ng rejections at hirap ng buhay sa teatro, hindi nawawala ang kaniyang pag-asa at pagmamahal sa sining. Para kay Vanessa, ang pag-arte sa teatro ay isang paraan upang maging sino man siya at gumawa ng mga imposibleng bagay na nagiging posible sa entablado. Ang kaniyang dedikasyon sa bawat role na kaniyang ginagampanan ay patunay na siya ay isang tunay na artista.
Ngayon, si Vanessa ay may upcoming production ngayong Pebrero kung saan gagampanan niya ang role na “Isperekengkeng Isperekangkang,” isang contemporary adaptation ng William Shakespeare’s A Comedy Of Errors na isinulat ni multi-awarded Palanca Hall of Fame Rene O. Villanueva, may original music ni Gian Gianan at idinirekta ni Erick R. Castro. Kasama niya sa pagtatanghal sina Ryle Santiago, Franchesco Maafi, Patricia Ismael, Julius Gareza, Carl Adrian Garcia, DJ Maki Rena, Remus Villanueva, Trixie Esteban, at Larra Nicavera.
Bukod dito, mayroon din siyang show ngayong Pebrero 2 para sa CCP PASINAYA 2025 sa Museo Maritimo, kung saan gagampanan niya ang papel na “Inang Pasig.” Ang kaniyang pangarap ay makilala pa sa larangan ng international theater at patuloy na magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan na tulad niya.
Sa bawat pagtatanghal, pinipili ni Vanessa na isabuhay ang kaniyang pangarap ng may buong puso at pagmamahal. Para sa kaniya, ang pag-ibig sa sining at sa Panginoon ang nagbibigay ng liwanag sa kaniyang landas. Ang kaniyang kuwento ay isang inspirasyon sa lahat na huwag sumuko sa pangarap, magpatuloy sa pagsisikap, at hayaan ang Panginoon na gamitin ang kanilang talento upang maging biyaya sa iba.
Habang binabaybay niya ang landas patungo sa mas mataas na pangarap, bitbit ni Vanessa ang mga aral ng teatro—pagmamahal sa kapwa, paggalang sa sarili, at pag-asa sa Diyos. Sa kaniyang puso, ang bawat pagtatanghal ay hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat ng nangangarap na maging bahagi ng sining at kultura ng ating bayang San Nicolas.
#DayawTiIli#Teatro#Musika#ArtsMonth#TheaterArts#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride