Sa kalagitnaan ng abalang paliparan ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, isang kailian natin ang nagpamalas ng dedikasyon, integridad, at katapatan—si Bernard Cañete Luna ng Poblacion West.
Apat na taon na rin siyang nagsisilbi bilang Security Screening Officer sa Office for Transportation Security (OTS), isang posisyong hindi biro at nangangailangan ng mataas na antas ng responsibilidad.
Isang araw, habang siya ay naka-duty, natagpuan ni Bernard ang isang wallet na naglalaman ng PHP17,000. Sa kabila ng tukso na maaaring sumagi sa isipan ng sinuman, ipinakita ni Bernard ang kaniyang hindi matatawarang integridad. Walang pag-aalinlangan, siya’y kumilos upang maibalik ang pera sa tunay na may-ari. Kaagad niya itong ipinagbigay alam sa kaniyang opisina at napag-alaman na naiwan ito ng isang Danish na pasahero.
Ang tagpong ito ay hindi simpleng istorya ng pagbabalik ng isang nawawalang gamit. Ito’y sumasalamin sa mga pangunahing prinsipyo na dapat isapuso ng bawat kailian, lalo na sa isang posisyon tulad ng kay Bernard.
Sa kaniyang maiksing panahon sa OTS, pinatunayan ni Bernard na hindi lamang siya tagapagbantay ng seguridad, kundi tagapagtanggol din ng prinsipyo. Ang kaniyang aksyon ay nagbigay inspirasyon hindi lamang sa kaniyang mga kasamahan kundi pati na rin sa bawat pasahero na dumadaan sa Terminal 2.
Ang kaniyang kuwento ay nagpapaalala na sa kabila ng mga pagsubok at tukso, mayroong mga taong handang isantabi ang pansariling interes para sa kapakanan ng iba.
Si Bernard Cañete Luna ng San Nicolas, Pangasinan ay isang buhay na halimbawa ng integridad at katapatan, isang inspirasyon na ang bawat isa’y maaaring maging ilaw sa gitna ng dilim, isang tagapagbantay na handang magbigay ng serbisyo ng may puso at malasakit.
#DayawTiIli#HonestyMagicSpreads#WeAreSoProudOfYouKailian#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride