Muli pong ikinalulungkot ng lokal na pamahalaan na ipaalam sa publiko na limang panibagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa ating bayan kung saan apat dito ay direct contacts ng isa nating COVID-19 patient.

Si Patient No. 34 ay limampu’t dalawang taong gulang na lalaki (52 y/o male) at residente ng Poblacion East. Siya ay nagpakonsulta sa Tayug Family Hospital kahapon, January 28, 2021, matapos makaramdam ng ubo, sipon, lagnat at panghihina ng katawan. Agad siyang isinailalim sa RT PCR Swab Testing at noong araw ding iyon ay napagalaman na siya nga ay positibo sa COVID-19. Ang naturang pasyente ay dumadayo sa mga sabungan sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan.

Si Patient No. 35 ay apatnapu’t dalawang taong gulang na babae (42 y/o female) at residente ng Poblacion East. Ang naturang pasyente ay kinakasama ni Patient No. 33 na nagpositibo sa COVID-19 noong January 26, 2021. Siya ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Si Patient No. 36 ay animnapu’t walong taong gulang na lalaki (68 y/o male) at residente ng Poblacion East. Ang naturang pasyente ay ama ni Patient No. 33 na nagpositibo sa COVID-19 noong January 26, 2021. Siya ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Si Patient No. 37 ay labingtatlong taong gulang na lalaki (13 y/o male) at residente ng Poblacion East. Ang naturang pasyente ay pamangkin ni Patient No. 33 na nagpositibo sa COVID-19 noong January 26, 2021. Siya ay may mild symptoms gaya ng sipon at pananakit ng lalamunan.

Si Patient No. 38 ay tatlumpu’t dalawang taong gulang na babae (32 y/o female) at residente ng Poblacion East. Ang naturang pasyente ay hipag naman ni Patient No. 33 na nagpositibo sa COVID-19 noong January 26, 2021. Siya rin ay may mild symptoms gaya ng ubo, sipon, at pagkawala ng panlasa ay pang-amoy.

Sila Patient No. 35, 36, 37 at 38 ay parehong isinailalim sa RT-PCR Swab Testing noong January 26, 2021 matapos maging direct contacts ni Patient No. 33. Ngayong araw, January 29, 2021, ay lumabas ang resulta na silang apat nga ay positibo rin sa COVID-19.

Sa mga sandaling ito, mas pinaigting pa ang imbestigasyon at Contact Tracing sa lahat ng posibleng nakasalamuha ng pasyente at isasailalim lahat sa mandatory 14-days strict home quarantine at RT-PCR swab testing upang masiguro ang kanilang kaligtasan at maiwasan ang posibleng pagkahawa ng iba.

Muli, hinihikayat ang lahat na sumunod at tumalima sa mga health protocols at guidelines na umiiral sa ating bayan at sa buong probinsya upang maiwasan ang pagkalat pa ng sakit.

Manatili na lamang sa inyong mga kabahayan kung wala namang importanteng lakad o transaksyon sa labas. Huwag magpakampante dahil hindi natin nakikita ang kalaban.

Maging disiplinado upang sama-sama nating malabanan ang COVID-19.

DR. ALICIA L. PRIMICIAS-ENRIQUEZ

Municipal Mayor

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

wpChatIcon
wpChatIcon