Sa paniniwalang ang pagbabasa ay isang mabisang paraan upang mapalawak ang kaalaman ng isang bata lalong-lalo na upang matutunan ang tamang pagbigkas at pagsusulat, gayundin ang pagpapalawak ng bokabularyo at gramatika, pinangunahan ni Mayor Alice ang pamamahagi ng 550 storytelling books para sa mga pre-schoolers sa ating bayan.
Ang ipinamahaging storytelling book na may titulong “Gustong-gusto Ko Nang Lumabas” ay inakda ni Teacher Joel Guirren, the pride of San Nicolas in book publishing.
Ang distribusyon ng nasabing aklat ay ginanap sa Day Care Center ng Barangay Sta. Maria West–ang National Child Development Center ng San Nicolas—na dinaluhan mismo ni Teacher Joel Guirren, Kapitan Cesario Ramirez, mga Child Development Workers, at ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Nicolas.
Sa kanyang mensahe, malugod na nagpasalamat si Teacher Guirren sa ibinigay na suporta ni Mayor Alice. Ipinahayag din n’ya ang pasasalamat mula sa Vibal Group’s Publishing, ang nag-imprinta ng nasabing aklat, na ayon sa kanya ay nagsabing “sana lahat ng alkalde sa ating bansa ay katulad ni Mayor Alice na sumusuporta sa programang pagpapaunlad ng reading program ng mga batang mag-aaral.”
“The more that you read, the more things you will know. The more that you learn, the more places you’ll go,” pagdidiin pang pahayag ni Teacher Guirren sa kanyang mensahe para sa mga batang nakikinig sa nasabing okasyon.
Isa ring avid book reader, si Mayor Alice naman ay nagpahayag na dalangin nyang sana ay magsipag ang mga bata sa pagbabasa ng nasabing aklat dahil napakalaki ng maitutulong nito sa pagdagdag ng kanilang kaalaman sa pagbabasa gayundin sa pagpapalawak ng kanilang kaisipan.
Nagpasalamat din s’ya kay Teacher Guirren na patuloy sa pag-akda ng magaganda at makabuluhang mga aklat na makakatulong sa mga kabataang mag-aaral.
“Gustong-Gusto Ko Nang Lumabas” ay inilathala ng Chikiting Books sa ilalim ng Vibal Group’s publishing na s’yang naglalathala ng mga aklat pambata na angkop sa mga batang may edad na 3 to 13 years old.
Ito ay kwento ng isang bata na nasa gitna ng isang laban na may di-nakikitang kaaway. Ang aklat na ito ay isang mahusay na kwento na sumasalamin sa karanasan ng mga bata ngayon sa gitna ng kasalukuyang pandemya pati na rin ng kanilang pag-asa na sana ay matapos na ang nangyayaring restriksyon at isolation upang bumalik na ang kanilang normal na pamumuhay.
#TeacherGuirrenPrideOfSanNicolas
#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride