Akala mo ba na “simple lang” o kaya ay “okay lang” kung ma-infect ka ng Covid-19?
Unang-una, inisip mo ba na kung ma-infect ka ay pwede mo itong ikamatay? Kung hindi man ay posible mo itong maipasa sa iyong pamilya na may mahinang immune-system at maaaring kanilang ikamatay?
Ano pa ang mangyayari kung magkaroon ka ng Covid-19? Iko-confine ka sa restriction area o facility ng gobyerno at hindi ka papayagang makasalamuha kaninuman. Kakayanin ba ng iyong pamilya na mawalay ka sa kanila sa ganitong pagkakataon?
At kapag naka-infect ka naman ng mas marami pa sa iyong komunidad, hindi ba’t ang inyong barangay ay maaaring i-lockdown. At kung madagdagan pa ay ang buong San Nicolas naman ang maaaring ma-lockdown? Nasubukan na natin ang pahirap ng lockdown, gusto mo pa bang maulit ito sa ating bayan?
Inisip mo rin ba ang pahirap na idudulot mo sa ating mga kinauukulan kung ikaw ay mag-positive sa Covid-19? Ang sobra-sobrang stress na idudulot nito sa kanila? Ang matinding hirap at pagod na isasagawang contact-tracing para mahanap ang mga taong iyong na-infect din? Ang kinakailangang pagpupuyat na gagawin upang matapos ito ng mabilisan dahil nga maaaring kumalat ito kung hindi makita agad ang iyong mga nahawaan? Ang hirap ng mga isinasagawang sanitation procedures sa mga lugar na iyong pinuntahan o mga bagay na iyong nahawakan para lamang masigurado na ang virus ay hindi na kumalat pa? At ang panganib na idudulot nito sa mga frontliners na nagsasagawa nito?
At inisip mo rin ba ang kaukulang katumbas nito na gastos na kukunin sa kaban ng bayan? Ang pagbili ng dagdag na mga PPEs, disinfection o sanitation agents, mga ayuda at mga gamot bilang pangangalaga sa mga infected individuals habang nasa restriction period?
Kailian, ang isang impeksyon ay talagang sobrang pahirap sa lahat at may dalang umaapaw na gastos sa ating lokal na pamahalaan. Kaya sana ay makipagtulungan po tayo sa ating LGU at higit sa lahat ay huwag na po nating paandarin ang katigasan ng ating ulo.
Ang pagsunod sa mga regulasyon na ipinapatupad ng ating LGU ay para sa kaligtasan ng lahat at para sa kabutihan ng mga mamamayan ng San Nicolas. At ang pagsunod po dito ang pinakamabisang panlaban natin upang sa kalaunan ay mapahinto na natin ang pagkalat ng Covid-19 sa ating bayan. Disiplina sa mga protocols at ang pananatili sa ating sambahayan kung hindi naman kinakailangang lumabas ang pinakamabuti nating maiaambag sa paglaban sa pandemyang ito kaya sana ay magtulungan po tayong lahat.
Labanan po natin ang Covid-19. Kaya natin to. Tiwala at displina lang. Maraming, maraming salamat po sa inyong kooperasyon!
~MAYOR ALICIA L. PRIMICIAS-ENRIQUEZ