Sa pagpapatuloy ng banta sa Covid-19, inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas katuwang and Department of Agriculture, ang pamimigay ng mga libreng buto (seeds) ng iba’t ibang uri ng gulay upang makapagsimula ng gulayan sa bakuran ang mga residente.
110 na residente mula sa iba’t ibang barangay ang nakatanggap ng pake-paketeng buto ng mga sari-saring gulay. Kabilang sa mga ipinamahagi ay 335 packs ng Pole Sitao, 106 packs ng Bush Sitao, 573 packs ng Bell Pepper, 117 packs ng Hot Pepper (Super Heat), 98 packs ng Hot Pepper (Pinatubo F1), 113 packs ng Finger Pepper, 44 packs ng Ampalaya (Bonito), 42 packs ng Ampalaya (Galaxy F1), 158 packs ng Okra, 47 packs ng tomato, 110 packs ng hybrid cucumber, 77 packs ng Upo, 393 packs ng Eggplant, 47 packs ng Patola, 80 sachets ng Upo, 50 sachets ng Kangkong, at 50 sachets ng Amplaya (Sta. Monica).
Sa pangunguna ni Mayor Alicia L. Primicias-Enriquez at ng kanyang mga kasamahan, nagsagawa rin sila ng lecture kung paano magsimula ng gulayan sa bakuran at kung paano makagawa ng mga organikong pataba sa pananim.
Ikinatuwa naman ito ng mga residente sapagkat batid nila ang hirap ng buhay dahil sa pandemya ngayon.
Sa mensahe ng masipag na alkalde, nabanggit nito na dire-diretso ang mga programang hatid ng lokal na pamahalaan para tumulong sa mga residente na kumakaharap sa pandemya.
“Kailangan nating harapin ang pagsubok nang sama-sama upang tayo ay maka-ahon. Sabi nga, sa bawat dapa, kailangan mong tumayo at nandiyan po sa inyong pagbangon at pagsimula muli, kaagapay niyo po ang lokal na pamahalaan,” saad ni Mayor Alice.
Ginanap ang aktibidad na ito sa harap ng munisipyo nang may matinding pag-iingat at pagsunod sa health protocols gaya ng pagsuot ng face mask at social distancing.