𝐃𝐚𝐲𝐚𝐰 𝐭𝐢 𝐈𝐥𝐢 𝐈𝐧𝐭𝐞𝐫𝐧𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐄𝐝𝐢𝐭𝐢𝐨𝐧
Ang Coronavirus disease man ang muntik kumitil sa kaniyang buhay, ngunit ito rin ang naging daan upang magkaroon ng panibagong direksiyon ang buhay ng kailian natin mula sa Brgy. Dalumpinas na ngayon ay namamayagpag sa United Kingdom bilang isang nurse.
Kilalanin si Jia Palis-Amada, ang 31-anyos na Nurse Manager for Outpatients at Clinical Lead Nurse for Vaccination Programmes sa East Suffolk and North Essex NHS Foundation Trust, Colchester, England, na kauna-unahang COVID Vaccine Coordinator sa United Kingdom.
“Nang mapagtagumpayan ko ang laban sa COVID-19, natutunan kong mas pahalagahan ang bawat araw na dumadaan. Ang bawat hininga ay isang biyaya, at ang bawat araw ay isang pagkakataon na tumulong sa iba sa abot ng aking makakaya. Sa awa ng Diyos, gumaling ako at nakakuha ng trabaho bilang vaccine coordinator, and the rest is history,” saad ni Nurse Jia.
Kinailangan niyang kanselahin ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas at piniling manatili sa UK sa panahon ng pandemya upang tumulong na ilunsad ang COVID Vaccinations for Children. Dahil dito, ginawaran siya ng prestihiyosong Leader of the Future Award noong 2022 at nabigyan pa ng pagkakataong makasama si Prime Minister Boris Johnson sa isang dinner sa Downing Street’s Garden sa London kasama ang natatanging 30 hospital staffs bilang pasasalamat sa kanilang pambihirang kontribusyon sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Nasungkit din niya ang Young People’s Champion Award (COVID 19 Vaccine Team) para sa kanilang proyektong COVID Vaccination sa mga batang may special needs tulad ng autism, down syndrome, at developmental delay.
Sa loob lamang ng walong taon, iwinagayway niya ang bandera ng Piipinas sa UK dahil sa kaniyang iba’t ibang proyekto na nakatuon sa color blindness, LGBTQIA+ community, at children with special needs.
Bagama’t naging mahirap para sa kaniya ang naging karanasan sa kaniyang pagsisimula sa naturang bansa dahil sa racial discrimination at hospital practice at cultural differences, gumawa siya ng paraan upang mas makilala at marinig ang boses ng isang Asyanong nurse na tulad niya. Sa pamamagitan ng colored foot path at iba pang innovative practices na bahagi ng kaniyang pananaliksik, natulungan ang mga pasyenteng may color blindness, maging ang mga hindi aware na sila’y may ganoong sakit, kasama na ang may dementia at diabetic retinopathy.
Dahil dito, ginawaran siya ng iba’t ibang parangal tulad ng Leader’s List for the National Black, Asian, Minority, and Ethnic Health and Care Awards for Gifted Ethnic Minority Staff 2023, Finalists sa National B.A.M.E Health & Care Award 2024: B.A.M.E. Nurse of the Year, Nursing Times Awards 2024, at Student Nursing Times Awards 2024, at Nursing Times Workforce Summit & Awards 2024: Diversity and Inclusion Champion of the Year para sa kaniyang Color B-lined Project.
Bumuo rin siya ng safe space para sa international nurses na miyembro ng LGBTQIA+ community na hindi makapag-come out dahil sa kanilang Christian background. Nakipag-ugnayan siya sa inclusive Christian churches na tumatanggap sa mga tulad nila nang walang panghuhusga. Nakamit niya ang National B.A.M.E Health & Care Award 2024: Compassionate and Inclusive Leader dahil sa adbokasiya niyang ito.
“Huwag mong hayaang nakawin ng ibang tao ang iyong ilaw. Huwag mong hayaang ang ibang tao na husgahan ka dahil sa iyong nakaraan. Ikaw ang panulat ng iyong buhay, simulan mong isulat ito at siguraduhing isulat mo ang pinakamahusay na mga kuwento kung saan maaaring sundin ng mga tao ang iyong mga yapak.”
Ipinagmamalaki ka namin, kailian. Dayaw ka iti ili a San Nicolas, Jia Palis-Amada!











#DayawTiIli#InternationalEdition#OutstandingNurseinUK#LeaderOfTheFuture#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride