𝐧𝐢 𝐒𝐚𝐦𝐚𝐧𝐭𝐡𝐚 𝐉𝐨𝐲 𝐅𝐞𝐫𝐫𝐞𝐫
“Tagu-taguan maliwanag ang buwan,” pasimula ko sa laro.
Dinilat ko ang aking mga mata at agad na ikinalat ang aking paningin sa paligid. Naghahanap. Eksperto na siya sa patatago kaya paborito niya ang larong ito. Lagi akong natatalo.
Kung bakit ba kasi hindi na lang habulan o chinese garter ang laruin namin? Sigurado akong mananalo ako pero sa tuwing niyayaya ko siyang maglaro nito, nagrereklamo agad siya. Naikot ko na ata lahat ng sulok na maaring pagtaguan niya pero hindi ko pa rin siya mahanap. Nakakapagtaka. Hindi naman siguro ako ganoon kahina sa paghahanap na hanggang ngayon hindi ko parin siya nakikita.
Tumingin ako sa kalangitan. Papalubog na naman ang araw at naririnig ko na ang nakaririnding kanta ng mga lamok. Napakaganda ng mga kulay sa itaas. May mala-rosas, ginto, at iba’t-ibang kulay ng asul. Isama mo pa ang mahimulmol na mga ulap. “Obra-maestra” malimit niyang tawag dito sa tuwing pinapanood namin ang kalangitan.
‘Asan na kaya siya? Bukas ako na naman ang maghahanap. Naglakad na ako pabalik ng aming bahay. Siguradong naghihintay na si nanay na umuwi ako. Ayaw pa naman niyang naglalaro ako sa may mangga.
Sabi ni nanay, may mga engkanto raw doon na kumakain ng mga batang tulad ko pero hindi ako natatakot dahil may kasama naman ako. Ewan ko ba kay nanay, kung ano-anong kuwento ang pinaniniwalaan. Nagtataka nga ako’t parang nagugulat siya sa tuwing sinasabi kong may kasama naman ako samantalang kilala niya naman kung sinong tinutukoy ko.
Nasa harap na ako ng bahay nang marinig ko ang malakas na hagulgol ng aking lola. Bakit kaya siya umiiyak? Agad akong tumakbo papasok ng aming bahay. Napahinto ako nang makita ang mga tao sa loob.
Walang nakapansin sa aking pagdating dahil lahat sila ay nakapalibot sa aming sofa, may tinitignan. Natatakpan nila si lola. Hindi ko siya makita mula sa kinatatayuan ko ganoon din ang bagay na nasa sofa namin. Dali-dali akong naglakad patungo sa tinig ni lola. Sumiksik ako sa mga taong naroon. Gusto kong makita kung bakit siya umiiyak at kung anong tinitignan nilang lahat.
May nakahiga sa aming sofa, nakataklob ng pulang kumot. Napangiti ako. Sa wakas, hindi ko na kailangang mapagod sa paghahanap. Hindi na ako ang taya. Sa ilalim ng pulang kumot, natutulog ang taong matagal ko nang hinahanap.
“Lo, nandiyan ka lang pala,” sambit ko. “Ikaw naman ngayon ang taya.”
#TaguTaguan#MayorAliciaPrimiciasEnriquez#MayorAliciaPrimiciasEnriquezYourPublicServant#SanNicolasPangasinanMyHomeMyPride